Sasailalim sa re-orientation ang mga bagong halal na opisyal ng Youth for Environment in Schools Organization (YES-O) bilang bahagi ng paghahanda ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO) Santiago para sa mga nakalinyang aktibidad kaugnay ng pagdiriwang ng National Disaster Resilience Month sa Hulyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mario De Guzman II, City Environment and Natural Resources Officer ng CENRO Santiago, sinabi nito na muling titipunin at oorganisahin ng kanilang tanggapan ang mga bagong opisyal ng YES-O mula sa iba’t ibang paaralan upang higit na mapalawak ang kanilang kaalaman at partisipasyon sa mga programang pangkalikasan.
Ayon kay De Guzman, layunin ng orientation na higit pang mapalakas ang pagsusulong ng wastong solid waste management at mapanatili ang aktibong pakikilahok ng mga mag-aaral sa mga gawaing nagtataguyod ng pangangalaga sa kapaligiran.
Bagama’t patuloy aniyang nakikibahagi at sumusuporta ang mga paaralan sa mga programang pangkalikasan ng lokal na pamahalaan, mahalaga pa ring paigtingin ang kamalayan ng mga kabataan hinggil sa wastong pamamahala ng basura at pangangalaga sa kalikasan.
Kasabay nito, ilulunsad din ng CENRO Santiago ang programang “Lingkod Aralan,” isang environmental awareness initiative na isinasagawa sa mga paaralan upang higit na mapalawak ang kaalaman ng mga mag-aaral tungkol sa kalinisan, environmental protection, at responsableng pangangalaga sa kapaligiran.
Umaasa naman ang tanggapan na sa pamamagitan ng mga naturang programa ay mas maraming kabataan ang magiging katuwang ng pamahalaan sa pagpapanatili ng malinis, ligtas, at sustainable na kapaligiran sa lungsod.











