--Ads--

CAUAYAN CITY – Walang problema sa mga daan sa Nueva Vizcaya na papasok at palabas ng region 2 sa kabila ng mga pag-ulan na dulot ng bagyong Quinta.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Raffy Ian Pagala, acting Operations and Warning Section chief ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Nueva Vizcaya, sinabi niya na nanatiling passable ang lahat ng mga kalsada papasok at papalabas ng ikalawang rehiyon.

Sa kabila ng mga pag-ulan ay walang naganap na pagguho ng lupa sa bahagi ng Dalton Pass sa Santa Fe, Nueva Vizcaya maging sa bayan ng Diadi.

Sa kabila nito ay handa ang mga kawani at kagamitan ng PDRRMO para sa pagtugon sa epekto ng mga pag-ulan.

--Ads--

Nakahanda na rin aniya ang mga relief packs na maaaring maipamahagi sa mga maapektuhang pamilya

Ayon kay Ginoong Pagala, kabilang sa kanilang mga binabantayan ang mga landslide prone areas pangunahin na sa Dalton Pass at sa Diadi, Nueva Vizcaya.

Umaasa sila na titigil na ang mga nararanasang pag-ulan sa lalawigan upang maiwasan ang insidente ng landslide.

Tiniyak niya na magiging bukas ang PDRRMO sa pagbibigay ng mga ulat may kaugnayan sa kondisyon ng mga kalsadang papasok at papalabas sa rehiyon dos pangunahin na ang mga patungo sa Isabela at Cagayan.

Ang pahayag ni Ginoong Raffy Ian Pagala