Nakatakdang iharap ng House prosecution bilang mga “hostile witnesses” sa susunod na linggo ang dating special disbursing officers (SDO) ni Vice President Sara Duterte na sina Gina Acosta at Edward Fajarda kaugnay ng nagpapatuloy na impeachment trial laban sa bise presidente.
Sinabi ni House prosecutor Terry Ridon na hihilingin nilang ideklarang hostile witnesses sina Acosta at Fajarda upang mabigyan ng pagkakataon ang prosekusyon na magtanong gamit ang leading questions.
Ang hostile witness ay isang testigong itinuturing ng hukuman na hindi kooperatibo, may salungat na interes, o nagbibigay ng mga sagot na maaaring makapagpalabo sa kaso.
Matatandaang tumestigo na ang mga dating branch manager ng Land Bank of the Philippines na si Acosta umano ang nag-encash ng kabuuang ₱500 milyon sa apat na transaksyon na tig-₱125 milyon para sa Office of the Vice President (OVP), habang si Fajarda naman ay umano’y nag-encash ng ₱112.5 milyon sa tatlong transaksyon na tig-₱37.5 milyon para sa Department of Education (DepEd) noong si Duterte pa ang kalihim nito.
Ayon pa kay Ridon, bukod sa mga SDO, dapat ding managot si Duterte bilang pinuno ng OVP at DepEd sa umano’y maling paggamit ng confidential funds.
Sa mga nakaraang pagdinig, iginiit ni Senator-Judge Imee Marcos na ang mga SDO lamang ang dapat managot sa paggamit ng confidential funds. Gayunman, sinabi ni state auditor Roderick Wamil na ayon sa auditing rules, may pananagutan din ang pinuno ng ahensya sa pamamahala ng naturang pondo.
Sa kasalukuyan, tinatalakay ng impeachment court ang unang artikulo ng impeachment complaint na tumutukoy sa umano’y maling paggamit, kuwestiyonableng liquidation, at sistematikong paglustay sa confidential funds.










