Nagkilos-protesta ang iba’t ibang grupo sa tanggapan ni Vice President Sara Duterte sa Mandaluyong City ngayong Sabado ng umaga upang igiit sa Senate Impeachment Court na hatulang guilty ang Bise Presidente.
Bumuo pa ng human chain ang mga raliyista habang bitbit ang kanilang mga placard.
Ayon sa mga grupong Hukbo ng Malayang Bayan at Kabataan Sagisag at Gabay ng Pilipino, sapat na umano ang mga argumentong inilatag at ebidensyang iniharap sa impeachment trial upang hatulang guilty si Duterte sa mga alegasyon ng unexplained wealth, undeclared assets, mga pagkakaiba sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN, at maling paggamit ng confidential funds.
Tiniyak naman ng mga grupo na magpapatuloy ang kanilang mga protesta hangga’t hindi napapatalsik sa puwesto at nakukulong ang Bise Presidente.











