--Ads--

Nagpatupad ng preventive suspension ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Region 2 laban sa mga pampasaherong jeep na umano’y nasangkot sa isang insidente ng street racing sa kahabaan ng national highway sa Naguilian, Isabela.

Ayon sa LTFRB Region 2, ang mga nasabing unit ay pinapatakbo ng Cauayan Isabela Benito Soliven San Mariano Transport Cooperative. Ipinataw ang preventive suspension bilang agarang hakbang upang maprotektahan ang kaligtasan ng mga pasahero habang isinasagawa ang imbestigasyon at kaukulang administrative proceedings kaugnay ng umano’y mapanganib at pabaya na pagmamaneho.

Nagpalabas din si LTFRB Region 2 Regional Director Atty. Richard Dayag ng Show Cause Order (SCO) na nag-uutos sa mga operator at driver ng mga sangkot na sasakyan na magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat patawan ng kaukulang administratibong parusa dahil sa mga umano’y paglabag.

Nakatakdang humarap ang mga kinauukulan sa LTFRB Region 2 sa darating na Lunes, Hulyo 20, para sa pagdinig kung saan bibigyan sila ng pagkakataong maipahayag ang kanilang panig habang tinutukoy ng ahensya ang mga pangyayari sa insidente at kung may nalabag na mga batas, patakaran, at regulasyon sa pampublikong transportasyon.

--Ads--

Binigyang-diin ng LTFRB Region 2 na walang puwang sa pampublikong transportasyon ang walang ingat, iresponsable, at mapanganib na pagmamaneho. Inaasahan anila na mahigpit na susundin ng mga operator at driver ng public utility vehicles ang mga regulasyon sa kaligtasan sa kalsada at uunahin ang kapakanan ng mga pasahero at iba pang gumagamit ng lansangan.

Tiniyak naman ng tanggapan na magpapatuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng mga patakaran sa transportasyon at agad na kikilos laban sa sinumang mapatutunayang lumalabag sa umiiral na mga polisiya sa pampublikong transportasyon.