CAUAYAN CITY– Isinagawa sa senado ang Senate joint committee hearing kaugnay sa mga hindi umuusad na kasong pagpatay sa bansa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Atty. Domingo Cayosa, national president ng Integrated Bar of the Philippines o IBP na kahapon ay nagpatawag ng Joint Senate Committee hearing ang senado sa Justice Committee, Peace and Order Committee at Human Rights Committee.
Ipinatawag din ang mga head ng mga ahensya maging si PNP Chief Gen. Debold Sinas at ang ibang biktima ng mga hindi pa nareresolbang krimen.
Maging ang dating kalihim ng DOJ na ngayon ay vice chairman na ng NAPOLCOM ay dumalo rin gayundin ang mga kinatawan ng Land Transportation Office (LTO) para naman sa panukalang palakihin ang plate number ng mga motorsiklo dahil karaniwan sa mga ginagamit ngayon ng mga suspek sa pagpatay ay motorsiklo.
Pinangunahan aniya ito ni Senador Dick Gordon kasama ang iba pang senador.
Ayon kay Atty. Cayosa, isa siya sa mga resource person kaya nagpapasalamat siya sa mga senador at sa mga dumalong resource persons dahil nabigyan silang maibahagi ang kanilang mga suhestiyon at opinion tungkol sa mga nangyayaring pagpatay sa bansa.
Naglatag sila ng mga maaring gawin tulad ng pagtutulungan ng mga abogado at law enforcers at nang agad na malutas ang pagpatay sa mga nagpapatakbo ng hustisya.
Ayon sa kanya, sinang-ayunan naman ng mga senador ang panukala ng IBP na justice bilis para sa agad na ikalulutas ng mga nangyayaring pagpatay sa bansa lalo na sa mga abogado.
Dapat aniyang palakasin ang mga batas at sistema sa bansa para makulong ang mga gumawa at mastermind at nang maibalik na rin ang tiwala ng taong bayan na mayroon pa ring hustisya sa bansa.
Kaugnay nito ay ipinapaimbentaryo na ang mga kaso na hindi nareresolba o walang development sa loob ng sampong taon na hawak ng mga pulis.
Papanagutin aniya ang mga hepe ng pulisya o CIDG kapag nakitang hindi gumagalaw ang kaso.











