Pumasok na sa Philippine Area of Responsibility o PAR ang Super Typhoon Inday habang patuloy itong kumikilos pakanluran sa karagatan silangan ng Hilagang Luzon.
Namataan ang sentro ng mata ng bagyo sa layong 1,405 kilometro silangan ng Northern Luzon. Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 185 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 230 kilometro kada oras habang kumikilos pakanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras.
Dahil sa lawak ng sirkulasyon ng bagyo, nakataas na ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa Batanes, Cagayan kabilang ang Babuyan Islands, Apayao, bahagi ng Kalinga, Aurora, Catanduanes, at ilang lugar sa Isabela.
Kabilang sa mga lugar sa Isabela na nasa ilalim ng Signal No. 1 ang Cauayan City, Ilagan City, Alicia, Angadanan, San Mateo, Cabatuan, Aurora, Roxas, Luna, Tumauini, Cabagan, Benito Soliven, San Mariano, Palanan, Divilacan, Dinapigue, Gamu, Burgos, Quirino, Mallig, Maconacon at iba pang bayan sa hilaga at gitnang bahagi ng lalawigan.
Batay sa forcast tract ng bagyo kikilos pakanluran ang Super Typhoon Inday sa susunod na 24 oras matapos itong pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
Inaasahan na liliko ito pahilagang-kanluran habang nananatili sa Philippine Sea at posibleng pinakamalapit sa Extreme Northern Luzon pagsapit ng Biyernes. Matapos nito ay tatahak ang bagyo patungo sa katimugang bahagi ng Japan at karagatan sa hilaga ng Taiwan.
Tinatayang lalabas ng PAR ang bagyo sa Sabado, bago mag-landfall sa silangang baybayin ng mainland China sa Linggo.
Mananatili naman ang Inday bilang isang super typhoon hanggang bukas, Hulyo 9, bago ito humina at maging isang typhoon pagsapit ng hapon o gabi.
Pinaalalahanan ng PAGASA ang publiko na kahit ang mga lugar na wala sa direktang daraanan ng bagyo o nasa labas ng forecast confidence cone ay maaari pa ring makaranas ng malalakas na pag-ulan at mapaminsalang hangin dahil sa lawak ng sirkulasyon ng Super Typhoon Inday.










