Hinarass ng mga barko ng China Coast Guard (CCG) at maritime militia ang mga Pilipinong mangingisda sa paligid ng Bajo de Masinloc, isang kilalang tradisyunal na pook-pangisdaan sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Sa isinagawang maritime patrol flight, namonitor ang presensya ng sampung sasakyang pandagat ng Tsina sa nasabing lugar, kabilang ang mga warship at mga barko ng maritime militia.
Inihayag ng Philippine Coast Guard (PCG) na magpapatuloy ito sa pagpapadala ng mga tauhan at kagamitan upang maprotektahan ang mga mangingisda at mapanatili ang karapatan ng Pilipinas sa karagatan.
Kabilang sa mga sangkot ang mga barko ng CCG na may bow numbers na 21605, 3107, at 3103, pati na rin ang isang sasakyang pandagat ng Chinese maritime militia.
Ayon kay Rear Admiral Jay Tarriela, tagapagsalita ng PCG para sa West Philippine Sea, lalong naging tensyonado ang sitwasyon nang mapalapit ang mga bangka ng mga Pilipinong mangingisda sa Bajo de Masinloc sa layong 7.8 nautical miles.
Bagama’t walang naganap na paggamit ng water cannon, inilarawan ni Tarriela ang insidente bilang delikado.
Bilang tugon, nagpadala ang PCG at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ng mga barko upang tiyakin ang seguridad at kaligtasan ng mga mangingisda.











