--Ads--

Nakatakdang magsagawa ng imbestigasyon ang Senado kaugnay ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas at iba pang produktong agrikultural, kasunod ng mga ulat ng posibleng manipulasyon sa lokal na merkado ng mga pangunahing bilihin.

Sa isang pulong balitaan sa Kapihan sa Manila Bay, binigyang-diin ni Senador Sherwin Gatchalian, chair ng Senate Committee on Ways and Means, ang pangangailangang busisiin ang mga hindi pangkaraniwang galaw sa presyo ng mga bilihin, lalo na ang tila napaagang pagtaas ng presyo ng bigas.

Ayon kay Gatchalian, may mga hinala na may ilang rice traders na sinasamantala ang sitwasyon upang magtaas ng presyo.

“So, nung tinanong ko si Senator Kiko… merong mga nakikinabang, mga rice traders, sila naman ngayon ang nagpapataas ng presyo,” ani Gatchalian, na binanggit din ang posibleng papel ng ilang kartel at importer.

--Ads--

Giit ng senador, direktang naaapektuhan ng pagtaas ng presyo ng bigas ang mga pamilyang Pilipino.

“Pag tumaas ang presyo ng bigas, direct impact ’yan sa sitwasyon ng taong-bayan,” dagdag niya.

Ipinaliwanag din niya na hindi dapat agad sisihin ang ilang salik tulad ng fertilizer cost sa kasalukuyang pagtaas ng presyo, dahil karaniwan umanong nararamdaman ang epekto nito sa panahon pa ng anihan na inaasahang sa Hunyo o Hulyo pa.

Iminungkahi rin ni Gatchalian na maaaring pangunahan ng Senate Committee on Agriculture, na pinamumunuan ni Senador Francis Pangilinan, ang naturang imbestigasyon.

Binigyang-diin pa niya na may mga indikasyon ng “maagang paggalaw” sa presyo na maaaring may kaugnayan din sa pagtaas ng presyo ng langis.

Layunin ng imbestigasyon na matukoy kung may kartel, importer, o trader na posibleng nagmamanipula sa suplay at presyo ng bigas at iba pang bilihin, upang maprotektahan ang mga mamimili laban sa hindi makatarungang pagtaas ng presyo.