Naghain ng House Resolution No. 992 ang Makabayan bloc sa Kamara de Representantes upang imbestigahan ang umano’y live-fire testing ng missile ng Estados Unidos sa Pilipinas, na sinasabing naglagay sa panganib sa kaligtasan ng mga Pilipino at posibleng paglabag sa soberanya ng bansa.
Pinangunahan nina ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio, Gabriela Party-list Rep. Sarah Elago, at Kabataan Party-list Rep. Renee Co ang paghahain ng resolusyon. Nanawagan sila sa mga kaukulang komite ng Kamara na magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa live-firing test ng Tomahawk Land Attack Missile ng Amerika.
Batay sa mga ulat, isinagawa ang pagpapaputok ng missile mula sa Tacloban Airport bandang alas-12:21 ng hatinggabi nitong Mayo 5, 2026, at tumama ito sa target sa Laur, Nueva Ecija—na tinatayang mahigit 600 milya ang layo.
Ayon sa resolusyon, ang naturang live-fire testing at ang presensya ng missile system ay naglalagay sa panganib sa mga sibilyan, lumalabag sa soberanya ng Pilipinas, at nagpapabilis sa papel ng bansa bilang forward base sa paghahanda ng Estados Unidos para sa posibleng digmaan sa Southeast Asia. Iginiit din nila na taliwas ito sa Konstitusyon na nagbabawal sa paggamit ng digmaan bilang instrumento ng pambansang polisiya.
Dahil dito, binigyang-diin ng mga mambabatas na nararapat itong siyasatin ng Kamara, dahil hindi katanggap-tanggap na ginagamit ang Pilipinas bilang testing ground ng mga kagamitang pandigma ng ibang bansa at posibleng madamay ang mga Pilipino sa kanilang mga alitan.
Samantala, ayon kay dating Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Zarate, tila lumalampas na sa simpleng military training ang layunin ng Balikatan exercises ng Pilipinas at Estados Unidos, lalo na kung ito ay nagiging bahagi na ng paghahanda sa mas malawakang tunggalian ng mga makapangyarihang bansa.
Tinukoy ni Zarate ang tumitinding tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at China, na hindi lamang umiikot sa larangan ng militar at ekonomiya kundi pati sa impluwensya at kontrol sa mga rehiyon, partikular sa Asia-Pacific.
“The Marcos Jr. administration is making the country a willing pawn, allowing foreign forces to bring in strategic weapons that heighten the risk of escalation and retaliation,” ayon pa sa dating mambabatas.











