Inihayag ng testigong si Commission on Audit (COA) auditor Roderick Wamil sa ika-12 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na ilang matataas na opisyal ng Office of the Vice President (OVP) ang umano’y nakiusap sa COA noong 2023 na pagaanin ang audit findings kaugnay ng paggamit ng confidential funds ng tanggapan.
Ayon kay Wamil, kabilang sa mga dumalo sa pagpupulong sina OVP Chief of Staff Zuleika Lopez at dating tagapagsalita ng OVP na si Michael Poa. Aniya, hiniling umano ng mga ito na gumamit na lamang ang COA ng mas hindi pormal na “audit query” sa halip na Audit Observation Memorandum (AOM) kaugnay ng mga nakitang kakulangan sa paggamit ng confidential funds.
Sinabi ni Wamil na tumanggi ang COA dahil hindi umano kinikilala ng umiiral na Joint Circular 2015-01 ang naturang hakbang bilang bahagi ng proseso ng pag-audit sa confidential at intelligence funds.
Sa kanyang testimonya, sinabi rin ni Wamil na personal umanong nilagdaan ni Vice President Duterte ang mga dokumentong may kaugnayan sa paggamit ng P375 milyong confidential funds noong unang tatlong quarter ng 2023. Kinilala rin niya ang mga lagda ng bise presidente sa mga disbursement voucher, liquidation report at iba pang dokumentong isinumite sa COA.
Inilahad din ng auditor na ginamit umano ng OVP ang bahagi ng confidential funds para sa medical at food assistance, gayundin sa pagbili ng mga kagamitan tulad ng mesa, upuan, printer at computer. Ayon sa COA, hindi kabilang ang mga naturang gastusin sa mga pinahihintulutang paggagamitan ng confidential funds batay sa umiiral na mga patakaran.
Dagdag pa ni Wamil, hindi rin umano nakapagsumite ang OVP ng sapat na dokumento gaya ng official receipts at sales invoices upang patunayan ang ilang gastusin.
Samantala, sinabi ng House prosecution na hindi maaaring gamitin ang pagiging kumpidensyal ng pondo bilang dahilan upang hindi sumunod sa mga alituntunin sa pag-audit ng pamahalaan.
Kaugnay nito, binatikos naman ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang umano’y paggamit ng P112.5 milyong confidential funds ng Department of Education noong kalihim pa nito si Duterte.











