--Ads--

Inatasan ng Commission on Audit (COA) si Vice President Sara Duterte at dalawang opisyal ng Office of the Vice President (OVP) na isauli ang P73.287 milyong confidential funds na ginastos ng tanggapan sa loob lamang ng 11 araw noong Disyembre 2022 dahil sa kakulangan ng tamang dokumentasyon.

Ito ay matapos pagtibayin ng COA, nang may pinal na bisa, ang Notice of Disallowance na inilabas noong Agosto 8, 2024 laban sa naturang confidential expenses ng OVP. Ibinasura rin ng komisyon ang mosyon para muling repasuhin ang kaso.

Ayon sa COA, ang paglalabas ng mala­king halaga ng pondo ng bayan ay dapat na may sapat na transparency at makatwirang paggamit ng badyet.

Samantala, patuloy namang iginiit ni VP Sara na walang ­naging anomalya o maling paggamit ng pondo sa kanyang tanggapan.

--Ads--

Ang P73.287 ­milyon ay bahagi ng P612.5 milyong confidential funds na sinasabing hindi wastong nagamit at siyang paksa ng isa sa apat na articles of impeachment na isinampa laban kay Duterte.

Samantala, magpapasaklolo ang kampo ni VP Sara sa Korte Suprema kaugnay ng disallowance order ng COA.

Ayon kay Atty. Michael Poa, tagapagsalita ng defense team ni VP Sara, magsusumite sila ng petition for certiorari sa mataas na hukuman hinggil sa isyu.

Sinabi rin ni Poa na inaasahan na ni VP Sara ang desisyon at sinigurong lahat ng legal na remedyo ay gagamitin nila laban dito.