CAUAYAN CITY– Hinihinalang hindi nagmula sa Bugallon Proper, Ramon, Isabela ang mga baboy na namataang palutang lutang sa irigasyong nasasakupan ng nasabing lugar.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Kapitan Arthur Mendoza ng Bugallon Proper,Ramon, Isabela sinabi niya na agad nilang tinignan ang mga natanggap nilang ulat may kaugnayan sa mga patay na baboy na namataang palutang lutang sa irrigation canal sa tapat ng isang subdibisyon.
Aniya matapos na makumpirma ang ulat ay agad nilang kinuha ang mga patay na baboy at ibinaon.
Ayon kay Barangay Kapitan Mendoza marahil ay hindi mula sa kaniyang nasasakupan ang mga itinapong patay na baboy dahil may iba pang mga barangay ang nakakasakop sa main canal ng irigasyon gaya ng barangay Oscariz at Burgos.
Iginiit ng kapitan na agad ipinapaalam ng kaniyang mga kabarangay kung may mga naitatalang namamatay na baboy na agad nilang tinutugunan katuwang ang mga opisyal ng Department of Agriculture.
Hinikayat niya ang mga nag-aalaga ng baboy na huwag itapon sa irigasyon o sapa ang mga namamatay na baboy sa halip ay makipag-ugnayan na lamang sa kanila para sa proper disposal ng mga ito.
Magugunitang ilang libo na rin ng mga baboy ang namamatay at isinasailalim sa culling sa Isabela dahil sa African Swine Fever (ASF).











