SPORTS FEB 6, 2021
CAUAYAN CITY – Pinagagawa na ng diary ang mga pulis sa lalawigan ng Isabela para sa mabilisang contact tracing kasunod ng pagpositibo sa COVID-19 ng ilang kasapi ng Isabela Police Provincial Office (IPPO).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCol. James Cipriano, panlalawigang direktor ng IPPO na sa kabila ng mahigpit na pagpapatupad ng mga health protocols sa mga pulis ay hindi pa rin maiwasan na may magpositibo kaya kailangan na silang gumamit ng diary.
Aniya, kailangang isulat ng mga pulis kung saan sila nagpunta, kung ano ang kanilang ginawa at kung sino ang kanilang nakasalamuha.
Ito ay para mapadali ang kanilang contact tracing at nang maipaliwanag ng nagpositibong pulis kung paano niya nakuha ang virus.
Pinagpapaliwanag din nila ang hepe kapag may nagpositibo sa kanilang himpilan at ito ay naulit.
Ayon kay PCol Cipriano, kapag nagpositibo ang isang pulis at walang diary ay hindi makakatanggap ng financial assistance mula sa PNP.
Kabilang sa mga himpilan ng pulisya sa Isabela na nakapagtala na ng positibong pulis sa COVID-19 ay ang City of Ilagan, Cauayan City, Luna, Burgos at Cabatuan Police Station.











