--Ads--

CAUAYAN CITY – Nakasagupa ng tropa ng 54th Infantry Battalion ng 5th Infantry Division, Philippine Army ang mga miyembro ng Kilusang Larangang Guerilla (KLG) Marco ng Ilocos Cordillera Regional Committee (ICRC) ng CPP-NPA sa Nanggulunan, Hungduan, Ifugao kahapon, September 13, 2020.

Bago ang sagupaan ay nagkaroon ng serye ng dayalogo sa mga residente ng barangay Busa, Namatec at Napua sa Sabangan, Mt. Province sa ilalim ng Retooled Community Support Program (RCSP) para sa pinaigting na pagpapatupad ng EO#70 o Task Force to End Local Communist Armed Conflict (ELCAC).

Nakipagtulungan ang mga residente ng nasabing barangay sa  54th IB sa pagbibigay impormasyon kaugnay sa presensiya ng mga miyembro ng NPA sa kanilang barangay na agad na inaksiyunan ng mga Militar.

Sa pagpapatrolya ng mga sundalo ng 54th IB sa nasabing lugar ay kanilang nakasagupa ang hindi pa matiyak na bilang ng mga kasapi ng NPA.

--Ads--

Sa imbestigasyon ay lumabas na  mga miyembro ng KLG-Marco ang kanilang nakasagupa na tumawid sa lalawigan ng Ifugao matapos silang ideklarang Persona Non-Grata sa Mt.Province.

Lubos naman ang pasasalamat ni BGen Laurence Mina, Commander ng 5th Infantry Star Division sa mga residente at sa mga lokal na pamahalaan sa Ifugao at Mt. Province dahil sa patuloy nilang pakikipagtulungan at pagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ng mga miyembro ng NPA.