Sa pagpapatuloy ng paglilitis, sinuri ng defense team ang mga confidential activities at engagements ni Vice President Sara Duterte noong 2023 na nakasaad sa sertipikasyong inihanda ni Col. Raymund Dante Lachica, hepe ng Vice President Security and Protection Group (VPSPG).
Batay sa dokumento, nagsagawa umano ng surveillance at information gathering sa 127 lugar noong unang quarter at 111 lugar noong ikalawang quarter ng 2023.
Ipinunto ni defense counsel Atty. Kristine Ferrer na naunang sinabi ni Commission on Audit–Intelligence and Confidential Funds Audit Office (COA-ICFAO) State Auditor Xylene Del Campo na ang ilang engagement na nakalista ng Office of the Vice President (OVP) ay hindi maituturing na confidential activities sa ilalim ng Joint Circular 2015-01.
Gayunman, ipinakita ng depensa na sa ilalim ng Protective Intelligence Operations Report (PIOR), nakapaloob ang mga gawaing kinilala rin ni Del Campo bilang bahagi ng intelligence at surveillance operations.
Kabilang dito ang pakikipag-ugnayan sa intelligence operatives at informants ng Philippine National Police para sa threat assessment, intelligence fusion at situational updates, profiling ng mga dadalo sa mga aktibidad, at pagde-deploy ng mga operatiba sa mga ruta at venue ng mga event.
Ipinrisinta rin ni Ferrer ang mga listahan ng engagements para sa ikalawa at ikatlong quarter ng 2023, na inamin ni Del Campo na may kaugnayan sa surveillance activities.
Samantala, nagkaroon ng palitan ng argumento sina Ferrer at prosecution counsel Atty. Lorna Kapunan hinggil sa saklaw at limitasyon ng isinasagawang cross-examination ng kampo ng respondent.











