
CAUAYAN CITY – Maglive-in partner ang natukoy ng mga otoridad na suspek sa karumal-dumal na pagpatay sa isang binata na natagpuan ang bangkay na wala nang ulo sa irrigation canal sa barangay Batal, Santiago City noong nakaraang buwan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Rommel Cansejo, hepe ng Presinto 1 ng Santiago City Police Office (SCPO), sinabi niya na dahil sa puspusan nilang pagsisiyasat sa kaso ng pagpaslang kay Jiareh Atienzar Baniel ay natukoy nila ang mga suspek.
Lumutang ang ilang testigo laban sa mga pinaghihinalaan kabilang na ang kapatid ng biktima.
Ayon sa pahayag ng kapatid ng binata, noong ika-6 ng Hulyo 2020 ay sinundo ng maglive-in partner na alyas Raffy at alyas Beth si Jiareh para tumulong sa pagbebenta ng kanilang mga paninda
Nawawala na ang kanyang kapatid noong ika-11 ng Hulyo matapos na huling makita sa burol ng kanilang lolo noong ika-10 ng Hulyo.
Sinasabing panggagahasa umano sa isang babae ang posibleng naging ugat ng karumal-dumal na pagpaslang sa binata.
Nabatid na nahaharap sa kaso ang isa sa mga suspek matapos na masamsaman kamakailan ng mga bala at pampasabog.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay alyas Beth, mariin niyang itinanggi ang paratang na sangkot siya sa pagpatay sa biktima.
Naghain na siya ng affidavit at handa niyang patunayan sa korte na inosente siya sa paratang na sangkot sa nasabing krimen.










