CAUAYAN CITY – Sinampahan na ng kaso kahapon ng San Mateo Police Station ang dalawang suspek sa panggagahasa at pagpatay sa isang grade 8 student.
Matatandaang noong Oktubre 27, 2020 nang matagpuan ang bangkay ng 13 anyos na si Princess Corpuz sa irigasyon sa Barangay Bella Luz, San Mateo, Isabela.
Lumabas sa awtopsiya na ginahasa at pinalo ng matigas na bagay ang ulo ng dalagita na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Hangad ng kanyang pamilya na mabigyan ng hustisya ang kanyang pagkamatay sa pamamagitan ng pagkadakip at pagsasampa ng kaso laban sa pumatay sa dalagita.
Naglaan ang pamahalaang lokal ng San Mateo ng 200,000 na pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon para makasuhan at maaresto ang salarin.
Ayon sa San Mateo Police Station, sinampahan nila ng kasong panggagahasa at pagpatay kahapon ang mga suspek matapos makunan ng sinumpaang pahayag ang isang testigo.
Hindi muna kinilala ang pangalan ng mga sinampahan ng kaso para hindi maapektuhan ang pag-aresto sa kanila kapag nagpalabas na ng mandamiento de aresto ang hukuman laban sa kanila.











