Patay matapos pagbabarilin habang naglalakad sa bangketa ang isang ginang sa Antipolo, Rizal. Ang suspek, ang mister mismo ng biktima na inireklamo niya kaugnay ng sustento sa kanilang anak.
Nangyari ang krimen kaninang tanghali sa Sumulong Memorial Circle Road na malapit lang sa kapitolyo.
Sa video footage, makikita na naglalakad ang biktima sa bangketa nang barilin siya nang malapitan ng suspek na miyembro ng Provincial Security Group.
Matapos ang krimen, naglakad palayo ang salarin pero naaresto rin siya kalaunan ng mga pulis, at nakuha rin ang baril na pinaniniwalaang ginamit sa krime.
Dead on arrival naman sa ospital ang biktima dahil sa mga tinamong mga tama ng bala sa ulo at katawan.
Napag-alaman sa kapatid ng biktima, hiwalay na ang dalawa at galing sila sa pagdinig sa kapitolyo para pag-usapan ang sustento na hinihingi ng ginang para sa mga anak nito.
Nabanggit umano ng biktima na ipatatanggal niya sa trabaho ang suspek kung hindi ito magbibigay ng sustento.
Pagkatapos ng pagdinig, sinundan ng suspek ang biktima at pinagbabaril.
Nakakulong na sa himpilan ng pulisya ang suspek na tumangging magbigay ng pahayag.











