Nasawi ang isang 54-anyos na lalaki matapos pagtatagain ng kapwa niya residente na umano’y nakaalitan nito habang nag-iinuman sa Barangay Linumot, Jones, Isabela, bandang alas-7:30 ng gabi nitong Nobyembre 1, 2026.
Kinilala ang biktima sa alyas na “Jerome,” habang ang suspek ay alyas “Lymar,” 31-anyos. Kapwa sila residente ng nasabing barangay.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Jones Municipal Police Station, nag-iinuman ang dalawa kasama ang ilang indibidwal sa bahay ng suspek nang komprontahin ng biktima ang huli kaugnay ng dati nilang alitan, na nauwi sa mainitang pagtatalo.
Nang umalis ang kanilang mga kainuman, kumuha umano ng bolo ang suspek at pinagtataga ang biktima.
Tinangka pang tumakas ng biktima at humingi ng tulong sa isang residente, subalit hinabol siya ng suspek hanggang sa isang piggery kung saan muli siyang pinagtataga nang ilang beses na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.
Naaresto naman ng mga rumespondeng pulis ang suspek at dinala sa Jones Municipal Police Station para sa kaukulang disposisyon.
Nakipag-ugnayan na rin ang pulisya sa Santiago City Forensic Unit para sa crime scene processing habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.











