--Ads--

Patuloy ang pagpapakawala ng mga missile at drone ng Iran laban sa ilang bansa sa Gulf, na nagdulot ng pagkasira sa mga pasilidad ng enerhiya at pagkaantala sa suplay ng langis sa rehiyon.

Nagdeklara ng force majeure ang state oil company ng Bahrain na Bahrain Petroleum Company (Bapco) matapos tamaan ng pag-atake ng Iran ang kanilang refinery na nagdulot ng sunog. Sa pahayag ng kumpanya, naapektuhan ang kanilang operasyon at mga shipment dahil sa patuloy na kaguluhan sa Middle East.

Ang serye ng pag-atake ay isinagawa bilang ganti ng Iran sa mga naunang opensiba ng United States at Israel laban sa bansa simula noong Pebrero 28. Dahil dito, pansamantalang isinara ang airspace sa ilang bahagi ng Gulf at nagkaroon ng pagkaantala sa produksyon at distribusyon ng langis.

Samantala, ayon sa ulat, apat na drone na patungo sa Shaybah oilfield ang napigilan ng Saudi Arabia. Nakaranas din ng missile attacks ang United Arab Emirates, Qatar at Kuwait habang patuloy ang tensyon sa rehiyon.

--Ads--

Sa Saudi Arabia, hindi bababa sa dalawang katao ang nasawi at 12 ang sugatan matapos bumagsak ang isang projectile sa residential area sa Al-Kharj governorate noong Linggo.

Ayon kay Al Jazeera correspondent Mohammed Jamjoom na nag-uulat mula sa Doha, bandang 3:15 ng madaling araw nang maglabas ng alerto ang mga awtoridad matapos matukoy ang papasok na mga missile mula Iran. Makalipas ang ilang minuto ay narinig ang sunod-sunod na pagsabog na dulot ng interceptor missiles na sumasalubong sa mga paparating na armas.

Sa Bahrain naman, 32 katao kabilang ang mga bata ang nasugatan matapos tamaan ng Iranian drone ang Sitra area sa timog ng kabisera na Manama.

Samantala, sa lungsod ng Fujairah sa United Arab Emirates, nagkaroon ng sunog sa isang oil industry zone matapos bumagsak ang debris mula sa drone na na-intercept ng air defense system.

Mariing kinondena ng Saudi Arabia ang mga pag-atake ng Iran at tinawag itong “reprehensible” o hindi katanggap-tanggap na agresyon laban sa kanilang bansa at mga karatig na estado sa Gulf.

Sa kabilang banda, nanawagan naman ng de-escalation o pagpapakalma ng tensyon ang Punong Ministro ng Qatar na si Mohammed bin Abdulrahman bin Jassim Al Thani. Ayon sa kanya, patuloy nilang kakausapin ang Iran upang mapababa ang tensyon at maiwasan ang mas malawak na digmaan sa rehiyon.

Sinabi rin ng opisyal na ikinagulat ng Qatar ang pag-atake dahil ilang bansa sa rehiyon ang nagpahayag na hindi sila sasali sa anumang digmaan laban sa Iran, at patuloy silang naghahanap ng diplomatikong solusyon sa sigalot.