Ilan sa mga modernized jeepney sa Lunsod ng Cauayan ang kabilang sa ipinatutupad na service contracting program ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB sa ilang piling ruta.
Sa ilalim ng programa, nagbibigay ang pamahalaan ng subsidy sa mga operator at tsuper batay sa kanilang biyahe o performance, upang matiyak ang tuloy-tuloy na serbisyo at makatulong sa kanilang kita.
Nanatili namang sinusunod ang umiiral na fare matrix sa pamasahe, kabilang ang mga diskwento para sa mga estudyante, senior citizen, at persons with disability.
Ayon sa isang tsuper na si Ginoong Gerry Rebultan, nakatutulong ang programa upang maging mas maayos at tuloy-tuloy ang biyahe ng mga pampasaherong sasakyan sa gitna ng nararanasang krisis sa enerhiya.
Gayunpaman, aminado siya na may ilang pasahero ang nalilito sa pamasahe, lalo na kung inaakala nilang may direktang diskwento sa lahat ng biyahe.
Nilinaw na ang service contracting program ay hindi direktang nagbibigay ng bawas-pasahe, kundi subsidy sa mga operator, kaya nananatiling batay sa opisyal na fare matrix ang sinisingil sa mga pasahero.
Sa kabila nito, malaking tulong pa rin ang programa sa mga tsuper, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng diesel at iba pang gastusin sa operasyon.
Samantala, hinihikayat ang mga pasahero na sumunod sa itinakdang pamasahe at maging maunawain upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan sa kanilang biyahe.











