--Ads--

Naging pangunahing inspirasyon ang modernong Baybayin na letrang “I” sa disenyo ng logo ng isinasagawang summit sa Isabela, na sumasagisag sa tatlong pangunahing sektor na kinabibilangan ng green economy, blue economy at creative industries.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Hans Gabriel Ayn C. Pastrana, Junior Research Assistant ng UP Local Climate Change Adaptation for Development Project Management Team, sinabi nitong ginamit niya ang letrang “I” upang iugnay ang disenyo sa identidad ng Isabela.

Gumamit din siya ng kulay berde para sa green economy, asul para sa blue economy at kahel para sa creative industries. Isinama rin ang habing disenyo bilang pagkilala sa lokal na kultura at mga produktong likha ng mga manghahabi.

Bago maisapinal ang logo sa loob ng isang araw, nakagawa muna si Pastrana ng walong sketch at tatlong digital draft.

--Ads--

Si Pastrana ang bumuo ng orihinal na disenyo sa ngalan ng UPLCCAD Project Management Team, isa sa mga katuwang sa pag-oorganisa ng summit na naglalayong pag-ugnayin ang climate change adaptation at lokal na kaunlaran.