Nakapagtala ng panibagong tagumpay ang Isabela State University (ISU) System matapos itong kilalaning Top 2 Performing School sa November 2026 Agricultural and Biosystems Engineers Licensure Examination, kasunod ng 100% passing rate sa mga first-time takers at 97.22% overall passing rate.
Apat na graduates din ng pamantasan ang nakapasok sa listahan ng mga topnotcher, sa pangunguna ni John Carlo Justo Mamaril na nakakuha ng ikalawang puwesto sa buong bansa na may 93.04% rating.
Pumang-apat naman si Kiarra Cadabuna Manuel na may 92.96% rating, habang magkasalo sa ikapitong puwesto sina Edwin Mamuad Aquimba Jr. at Angelo Bungolan Granada na kapwa nakakuha ng 92.64%.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay ISU System President Dr. Boyet Batang, sinabi nitong isa sa mga dahilan ng kanilang magandang performance ang mahigpit na pamantayang ipinapatupad ng pamantasan, partikular sa admission, retention policy at paghahanda ng mga estudyante para sa board examination.
Aniya, karaniwang tatlong section ang tinatanggap nila sa unang taon, subalit pagsapit ng graduation ay kadalasan na lamang isang section ang natitira dahil sa mga hamon at kahirapang kaakibat ng kanilang kurso.
Sa pamamagitan nito, napapanatili aniya sa programa ang mga estudyanteng may tunay na interes at dedikasyon sa kanilang napiling larangan at kayang harapin ang mga pagsubok sa kanilang pag-aaral.
Dagdag pa ni Dr. Batang, maganda na ang naitalang performance ng ISU sa mga nakalipas na taon, subalit mas napataas pa ito ngayong taon sa pamamagitan ng panibagong tagumpay ng kanilang mga graduates.
Umaasa naman ang opisyal na mapananatili ng pamantasan ang ganitong antas ng performance at magsisilbi itong hamon sa mga guro, kawani at estudyante na patuloy na magsikap upang makamit muli ang kahalintulad na resulta sa mga susunod na taon.








