--Ads--

Mas paiigtingin ng Pamahalaang Lungsod ng Cauayan City ang pagbabantay sa lahat ng infrastructure projects upang matiyak na maayos ang pagkakagawa at hindi substandard ang mga ipinatutupad na proyekto sa lungsod.

Ito ang naging sentro ng talakayan sa isinagawang City Development Council (CDC) Meeting ng lokal na pamahalaan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Caesar “Jaycee” Dy Jr., sinabi nito na bumuo ang lokal na pamahalaan ng PMEG Group, na binubuo ng iba’t ibang department heads at engineering personnel, na siyang magsasagawa ng monitoring at inspeksyon sa lahat ng proyekto sa lungsod.

Ayon kay Mayor Dy, bago niya aprubahan ang anumang proyekto bilang “completed,” kinakailangan muna itong suriin at sertipikahan ng naturang grupo.

--Ads--

Paliwanag pa ng alkalde, layunin ng hakbang na ito na masiguro ang tamang paggamit ng pondo ng gobyerno at matiyak na naaayon sa standards ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng proyekto.

Aniya, bahagi rin ito ng transparency ng kanilang administrasyon upang mabigyan ang publiko ng malinaw na ulat hinggil sa mga natapos, kasalukuyang ginagawa, at mga nakalinyang proyekto sa lungsod.

Kabilang sa mga tinalakay sa CDC Meeting ang pagtatayo ng bagong DSWD Region 2 warehouse sa lungsod na magsisilbing imbakan ng relief goods para sa mga residente.

Kasama rin sa mga planong proyekto ang pagtatayo ng food hub, gayundin ang karagdagang road concreting at road rehabilitation projects sa iba’t ibang barangay ng lungsod.

Samantala, sinabi rin ni Mayor Dy na inaasahang aabot sa mahigit ₱2 bilyon ang internal revenue allotment ng lungsod para sa taong 2027, na malaking tulong umano upang mas mapalawak pa ang mga programa at serbisyong maibibigay sa mga Cauayeño.