Nasunog ang isang motorsiklo habang nasa isang motor shop sa Barangay Paddad, Alicia, Isabela, bandang alas-singko ng hapon nitong Setyembre 23, 2026.
Nagtamo naman ng paso sa kaliwang braso ang may-ari ng shop matapos nitong subukang apulahin ang apoy.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ian Garcia, may-ari ng nasabing motor shop, sinabi nitong nagsimula ang insidente nang hindi nila napansin na hindi maayos ang pagkakakabit ng wires sa spark plug ng motorsiklo, habang mayroon ding tagas sa carburetor.
Nang subukan nilang paandarin ang motorsiklo, nagkaroon umano ng spark mula sa loose wire na kumapit sa tumatagas na gasolina mula sa Karburator dahilan upang mabilis na nagliyab ang motorsiklo.
Agad namang gumamit si Garcia ng fire extinguisher upang apulahin ang apoy.
Bagama’t pansamantalang naapula ang apoy, pumasok muna si Garcia sa loob ng bahay upang maghugas matapos makaramdam ng hapdi sa balat dahil sa kemikal mula sa fire extinguisher.
Gayunman, habang nasa loob siya ng bahay, muling nagliyab ang motorsiklo hanggang sa tuluyan na itong nasunog.
Wala namang ibang naitalang nasugatan sa insidente maliban kay Garcia na nagtamo ng paso sa kanyang kaliwang braso.
Patuloy namang inaalam ang kabuuang pinsalang idinulot ng insidente.





