CAUAYAN CITY – Isa ang patay, isa rin ang nasugatan matapos na matagis ng isang truck ang isang motorsiklo sa Busilac, Bayombong, Nueva Vizcaya
Ang namatay ay si Catherine Coseph, 47 anyos, may-asawa, angkas ng motorsiklo habang nasugatan ang tsuper ng motorsiklo na si Ronnie Lamsis, 19 anyos at kapwa residente ng Dupax Del Sur, Nueva Vizcaya.
Ang tsuper naman ng truck ay si Orlito Dianco, 39 anyos, may-asawa at residente ng Tanza, Cavite.
Sa nakuhang imporasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Bayombong Police Station, nasa outerlane ang minamanehong motorsiklo ni Lamsis habang nasa inner lane ang minamanehong truck ni Dianco at parehong tinatahak ang pahilagang direksyon.
Bigla umanong natagis ng truck ang motorsiklo dahilan para tumilapon sa linya ng truck si Coseph at nagulungan ang kanyang kanang binti.
Nawalan naman ng kontrol si Lamsis at nabundol ang kasalubong na bisikleta na minamaneho ni Ninoron Pascua, 15 anyos.
Itinakbo sa Region 2 Trauma and Medical Center si Coseph at ang driver ng motorsiklo subalit dahil sa matinding sugat sa katawan ay idineklarang dead on arrival si Coseph.
Positibo naman sa nakalalasing na inumin si Dianco na mahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Physical injury at nakapiit na sa Bayombong Police Station.












