Pinaniniwalaang itinapong upos ng sigarilyo ang naging sanhi ng pag-usok at bahagyang pagliyab ng isang Materials Recovery Facility o MRF sa Purok 4, Barangay Tagaran, Cauayan City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Kagawad Daniel Acob, sinabi nitong isang residente ang unang nakapansin sa pagdami ng usok mula sa MRF at agad itong ipinagbigay-alam sa barangay.
Nang rumesponde ang mga tauhan ng barangay, nakita umano ang isang upos ng sigarilyo na nakapatong sa bahagi ng pasilidad at patuloy na umuusok.
Agad namang nagtulong-tulong ang mga opisyal at residente ng barangay upang apulahin ang apoy. Tatlong fire extinguisher ang ginamit sa pagresponde kaya hindi na kinailangang tumawag pa ng mga bombero.
Ayon kay Acob, iisa lamang ang MRF sa lugar ngunit malaki ang pasilidad at puno ito ng mga nakolektang materyales. Karaniwan umanong isinasako muna ang mga basura bago tuluyang ipasok sa loob ng MRF.
Wala namang naaktuhang tao na nagtapon ng upos ng sigarilyo kaya walang partikular na indibidwal na itinuring na responsable sa insidente.
Ayon sa barangay, unang pagkakataon pa lamang na nangyari ang naturang insidente sa MRF, habang maaaring nakadagdag din sa panganib ang matinding init ng panahon.
Patuloy namang mino-monitor ng barangay ang kondisyon ng MRF upang matiyak na walang natitirang baga o usok na maaaring muling magliyab.
Kasabay nito, nanawagan ang barangay sa publiko na maging responsable sa pagtatapon ng upos ng sigarilyo at tiyaking tuluyan itong wala na itong baga bago itapon, lalo na sa mga lugar na maraming tuyong basura at iba pang madaling magliyab na materyales.
Hinihikayat din ang mga residente na agad ipagbigay-alam sa barangay ang anumang kahina-hinalang usok o senyales ng sunog upang maagapan ang insidente bago ito tuluyang lumala.











