--Ads--

Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa sa House of Representatives ang panukalang batas na magpapataas sa parusa laban sa mga nagpapatakbo ng piracy websites at nagbebenta ng mga pekeng produkto.

Nakakuha ng 234 na boto pabor ang House Bill No. 11616 sa plenary session ng Kamara nitong Miyerkules.

Sa ilalim ng panukala, maaaring magpetisyon ang mga copyright owner at rights holder, kabilang ang mga manunulat, musikero, filmmaker at negosyante, sa Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL) upang ipablock ang mga website at online platforms na ginagamit sa ilegal na pagkopya at pamamahagi ng mga copyrighted materials.

Kapag pinaboran ang petisyon, kailangang ipatupad ng mga internet service provider ang utos na harangin ang access sa mga naturang website sa loob ng 48 oras mula sa paglalabas ng kautusan.

--Ads--

Saklaw din ng blocking order ang iba pang website na may kaugnayan sa ilegal na operasyon, kabilang ang mga gumagamit ng kaparehong pangalan, branding o operator upang makaiwas sa pagharang.

Pangunahing probisyon din ng panukala ang pagtataas ng administrative fines sa P100,000 hanggang P1 milyon mula sa kasalukuyang P5,000 hanggang P150,000.

Isasama rin sa depinisyon ng pirated goods ang mga electronic at digital content upang masaklaw ang ilegal na pagkopya at pamamahagi ng mga materyales sa internet.

Bukod dito, palalawakin ang kapangyarihan ng IPOPHL na mangalap ng impormasyon, magsagawa ng imbestigasyon at inspeksiyon sa mga establisimyento, gayundin ang magrekomenda ng pagkansela sa business permits o licenses ng mga mapatutunayang lumalabag.

Layunin ng panukala na palakasin ang proteksiyon sa intellectual property rights at masugpo ang paglaganap ng online piracy at pagbebenta ng mga pekeng produkto.