--Ads--

Tears of Joy at pasasalamat ang agad na bumuhos kay Miss Cheery Lee Galejo matapos siyang tanghaling Mutya ng Cauayan 2026, kasunod ng aniya’y mga sakripisyo at pagsubok na kanyang pinagdaanan bago makamit ang korona.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inilahad ni Galejo na labis ang kanyang emosyon nang tawagin ang kanyang pangalan bilang nagwagi dahil naramdaman niyang nagbunga ang lahat ng kanyang pagsisikap sa kompetisyon.

Ibinahagi rin niya na hindi naging madali ang kanyang journey, lalo na’t kailangan niyang pagsabayin ang trabaho at paghahanda sa pageant, kabilang na ang pabalik-balik na biyahe mula Maynila patungong Isabela upang makadalo sa mga training at aktibidad.

Aniya, sumailalim siya sa masusing pasarela at question-and-answer trainings, bukod pa sa personal na paghahanda upang mas mapagbuti ang kanyang performance sa entablado.

--Ads--

Dagdag pa niya, isa sa mga pinakamahalagang sandigan niya sa laban ay ang pagkakaroon ng positibong mindset, lalo na sa final question and answer portion kung saan aniya ay naniwala siyang kaya niyang maibigay ang tamang sagot.

Samantala, iginiit din ni Galejo ang kanyang pagiging kwalipikado sa pagsali sa pageant matapos ang ilang katanungan ukol sa kanyang residency, kung saan aniya ay rehistradong botante siya sa Cauayan City mula pa noong 2024 at dumaan sa tamang proseso ng screening.

Matatandaang naging Mutya ng Alicia 2022 si Galejo at kinatawan ang nasabing bayan sa Queen Isabela pageant noong 2023 bago siya nagtrabaho sa Maynila bilang learning specialist at kalaunan ay bilang guro sa Cauayan City National High School bilang local school board teacher.

Ayon pa sa kanya, inialay niya ang kanyang tagumpay sa Diyos na aniya’y kanyang unang naisip at pinasalamatan matapos makamit ang korona.

Sa kasalukuyan, nakatuon ang kanyang paghahanda para sa susunod na hamon bilang kinatawan ng Cauayan City sa Queen Isabela pageant, kung saan target niyang makuha ang pangunahing korona.

Bukod dito, isinusulong ni Galejo ang kanyang adbokasiya na inclusive education, kung saan layunin niyang matiyak na lahat ay may pantay na access sa edukasyon anuman ang kanilang pinanggalingan o kalagayan sa buhay.

Sa huli, nanawagan siya sa mga Cauayeño na suportahan siya sa kanyang susunod na laban at patuloy na pairalin ang kabutihan sa kapwa.