Posibleng iniwang nakasinding kandila sa kasagsagan ng brownout ang tinitingnang sanhi ng sunog na sumiklab sa isang residential house sa Barangay Marana 1st, Ilagan City nitong Martes ng gabi at nagdulot ng tinatayang P54,000 halaga ng pinsala.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fire Chief Inspector Aime Escubio Cariño, City Fire Marshal ng BFP-Ilagan City, na mag-isang naninirahan sa bahay ang 62-anyos na may-ari at gumamit ito ng kandila bilang pansamantalang ilaw dahil sa pagkawala ng suplay ng kuryente sa kanilang lugar.
Lumabas umano sandali ang biktima at nang bumalik ay nasusunog na ang kaniyang bahay.
Batay sa paunang imbestigasyon, posibleng natumba ang kandila o kaya ay nailagay ito malapit sa mga madaling magliyab na materyales.
Bandang alas-8:40 ng gabi nang makatanggap ng fire call ang BFP at nakarating ang mga bumbero sa lugar makalipas lamang ang anim na minuto ngunit naabutan nilang fire out na ang sunog matapos itong maapula ng mga residente sa pamamagitan ng bucket relay.
Gayunman, binugahan pa rin nila ng tubig ang naturang bahay upang maiwan na mag-rekindle o muling mabuhay ang apoy.
Ayon kay Cariño, ang living room lamang ng bahay ang napinsala at hindi na kumalat pa ang apoy sa iba pang bahagi ng bahay dahil sa maagap na pagtutulungan ng mga residente.
Kasunod nito, muling pinaalalahanan ng BFP ang publiko, lalo na ngayong madalas ang power interruption sa ilang lugar sa Ilagan City, na huwag iwanang walang nagbabantay ang mga nakasinding kandila o gasera at iwasang ilagay ang mga ito malapit sa mga materyales na madaling magliyab.











