CAUAYAN CITY – Umabot na sa 2.9 million pesos ang halaga ng mga baboy na isinailalim sa culling ng Department of Agriculture (DA) region 2 sa Lambak ng Cagayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Executive Director Narciso Edillo ng DA region 2, sinabi niya na umaabot na sa 594 na baboy ang isinailalim sa culling ng DA katuwang ang mga Local Government Units (LGUs) at Provincial Veterinary Office (PVO).
Ang nasabing talaan ay hanggang noong ika-23 ng Agosto at maaari pang madagdagan ang bilang ng mga baboy na isasailalim sa culling .
Pinabulaanan ng DA Region 2 ang kumakalat na balitang may nagsasailalim ng culling kahit hindi pa nasuri kung positibo sa ASF ang mga baboy.
May mga impormasyon na kung may nagpositibong baboy sa isang barangay ay awtomatiko nang isasailalim sa culing ang mga baboy sa karatig na barangay kahit hindi pa nakunan ng blood samples ang mga baboy at nakumpirmang tinamaan ng ASF .
Ayon kay Executive Director Edillo, ang dati nilang protocol ay 1 kilometer (km) radius, 7km at 10km radius pero ngayon ay ibinaba nila sa 0.5 km radius hanggang 10 km radius na lamang.
Ang mga piggery na nasa 0.5 km radius o pinakagitna ang kailangang i-lockdown upang hindi malugi ang mga nag-aalaga ng baboy.
Nilinaw ni Ginoong Edillo na hindi sila basta nagsasagawa ng culling kundi dumadaan muna sa blood sampling at testing ang mga baboy upang matiyak na positibo ang mga ito sa ASF.
Kapag nagpositibo sa ASF ang mga blood samples ay kailangang isailalim sa culling upang hindi na kumalat ang sakit sa iba pang babuyan.
Ayon pa kay Ginoong Edillo, kasalukuyan na ang kanilang pagproseso ng planong ayuda para sa mga nag-aalaga ng baboy na naapektuhan ng ASF ngunit posibleng matagalan dahil dadaan pa ito sa (Department of Budget and Managament (DBM).











