Sisilipin ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang umano’y pagharang at pangha-harass sa mga photojournalist habang nagko-cover ng protesta sa Anti-Asean Summit Rally sa Cultural Center of the Philippines (CCP) complex, Pasay City noong Miyerkules, July 22.
Ang insidente ay nauwi pa sa muntikan nang pag-aresto kay veteran photojournalist Bullit Marquez.
Ayon kay Commissioner Ralph Calinisan, isasailalim umano nila sa masusing imbestigasyon ang pangyayari at papanagutin ang pulis na mapatutunayang lumabag sa batas, partikular na ang Philippine National Police (PNP) operational procedures.
Ayon pa sa NAPOLCOM, may malinaw umanong alituntunin ang PNP sa pakikitungo sa media, sa kaligtasan ng mamamahayag, at sa proteksyon ng freedom of expression at access sa impormasyon.
Dagdag pa rito, hindi umano magkasalungat ang pagpapanatili ng kaayusan at paggalang sa press freedom na dapat aniya ay kambal na nagagawa ng mga pulis.








