Walo ang naitalang nasawi matapos ang tinawag na historic rainfall na nagdulot ng malawakang pagbaha sa Chiba Prefecture, Japan.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Hannah Galvez, umabot sa 115 millimeters kada oras ang naitalang pag-ulan, habang may ilang lugar na nakapagtala naman ng hanggang 367 millimeters sa loob lamang ng 12 oras.
Batay sa Japan Meteorological Agency, ito na umano ang pinakamalakas na pag-ulan na naitala sa lugar mula nang magsimula ang kanilang rainfall records noong 1951.
Dahil sa matinding buhos ng ulan, mabilis na binaha ang mga kalsada, riles ng tren at iba pang lugar, dahilan upang masuspinde ang operasyon ng mga tren, bus at ilang flight.
Sa walong nasawi, anim umano ang natagpuan sa loob ng kanilang mga pribadong sasakyan matapos tangayin ng malakas na agos ng baha.
Nagkaroon din ng mga landslide sa ilang lugar, habang umabot sa humigit-kumulang 20,000 – 30,000 bahay ang naapektuhan ng pagkawala ng kuryente sa Chiba at kalapit na Ibaraki Prefecture.
Samantala, libu-libong pasahero ang na-stranded sa Narita Airport dahil sa epekto ng pagbaha at pagkaantala ng transportasyon.
Tumulong naman ang Japan Self-Defense Forces sa paglilikas at pagdadala sa mga stranded na residente at pasahero. Tinatayang 4,000 katao ang kanilang natulungang makarating sa mga evacuation areas, city halls at iba pang ligtas na lugar.
Ayon kay Galvez, may kabuuang anim na lungsod at 22 bayan ang naapektuhan ng pagbaha, habang ilang city hall at provincial hall ang binuksan upang pansamantalang tuluyan ng mga stranded.
Bukod dito, nagpatupad din umano ng evacuation order para sa humigit-kumulang 440,000 katao matapos mamonitor ng Japan Meteorological Agency ang mga heavy rain clouds na maaaring magdulot pa ng matinding pag-ulan.
Ipinaliwanag ni Galvez na isa sa mga nakikitang dahilan ng mabilis na pag-ipon at pag-agos ng tubig sa Chiba ang topography ng lugar, na binubuo ng mga burol at valley kung saan mabilis na bumababa ang tubig patungo sa mga urban area.
Patuloy namang nakataas ang travel advisories sa ilang lugar dahil inaasahan pa ang pag-ulan at epekto ng Typhoon No. 17 hanggang sa mga susunod na araw.
Ayon kay Galvez, mabilis ding naipamahagi ng mga awtoridad ang pagkain, tubig, kumot, sleeping bags at iba pang pangunahing pangangailangan sa mga apektadong residente at mga dayuhan.











