--Ads--

CAUAYAN CITY – Umakyat na sa pito ang nasawi sa region 2 sanhi ng Coronavirus Disease (COVID-19).

Naitala ang tigtatatlong nasawi sa Nueva Vizcaya at Cagayan habang isa sa Isabela.

Pinakahuling nasawi ang isang 31 anyos na babae sa Bagabag, Nueva Vizcaya.

Umabot na sa 753  ang bilang ng COVID-19 positive sa region 2.

--Ads--

Sa inilabas na report  ng  Department of Health – Cagayan Valley Center for Health Development (DOH-CVCHD), ang  active cases ay  206 habang ang recoveries ay  540  at 7 na ang nasawi.

Samantala, sa lalawigan ng Quirino ay naitala ang ikaapat na Covid-19 positive.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Governor Dakila Carlo Cua ng Quirino, sinabi niya na ang   ikaapat na COVID-19 positive ay isang 41 anyos na driver mula sa Diffun, Quirino.

Ang pasyente ay nagtratrabaho bilang driver sa Cabatuan, Isabela at naging close contact ng isang COVID-19 positive.

Dinala siya sa lalawigan ng Quirino para sana sumailalim sa home quarantine ngunit nasa pangangalaga ngayon ng Southern Isabela Medical Center (SIMC) sa Santiago City matapos na magpositibo sa COVID-19.

Ayon kay Gov. Cua, walang dapat ipangamba sa contact tracing  dahil iisa ang nakasalamuha ng pasyente habang ang una at ikalawang kaso ng COVID-19 sa Quirino ay naideklara nang clinically recovered.

Muli siyang nagpaalala sa publiko na ugaliin ang pagsusuot ng face mask at face shield at sumunod sa mga minimum health standards para maiwasan ang virus.

Ang pahayag ni Gov. Dakila Carlo Cua ng Quirino.