Nilinaw ng Department of Labor and Employment (DOLE) na hindi na kailangang isauli ng mga manggagawa ang natanggap nilang dagdag-sahod sa ilalim ng P85 minimum wage increase sa National Capital Region (NCR), kahit pansamantalang nahinto ang pagpapatupad nito dahil sa utos ng korte.
Ayon kay Labor Secretary Francis Tolentino, may karapatan na ang mga empleyadong nakatanggap na ng dagdag na sahod bago pa man maglabas ng temporary restraining order (TRO) ang Pasig Regional Trial Court laban sa NCR Wage Order No. 27.
Ipinaliwanag ni Tolentino na hindi maaaring bawiin o ipasauli ng mga employer ang wage differential na naibigay na sa mga manggagawa dahil wala pang kautusan noon mula sa National Wages and Productivity Commission (NWPC) na nagsususpinde sa wage order.
Noong Hulyo 30, naglabas ang Pasig RTC ng TRO na pansamantalang nagpahinto sa pagpapatupad ng P85 dagdag-sahod para sa mga minimum wage earner sa NCR.
Sinabi ni Tolentino na nakikipag-ugnayan na ang DOLE, sa pamamagitan ng NWPC at Regional Tripartite Wages and Productivity Board-NCR (RTWPB-NCR), sa Office of the Solicitor General (OSG) na magsisilbing legal na kinatawan ng mga ahensya sa pagdinig ng kaso.
Binigyang-diin din niya na hindi maaaring kaltasan ng mga employer ang mga susunod na sahod ng kanilang mga empleyado upang mabawi ang naunang naibigay na dagdag-sahod.
Nanawagan naman si Tolentino sa mga manggagawa at employer na manatiling kalmado habang hinihintay ang magiging desisyon ng korte, at iginiit na iginagalang ng kagawaran ang proseso ng hudikatura.
Samantala, sinabi ni DOLE-NCR Regional Director at RTWPB-NCR Chairperson Sarah Buena Mirasol na nakikipagtulungan sila sa OSG upang ipagtanggol sa korte ang bisa ng wage order.
Ayon kay Mirasol, dumaan sa wastong proseso ang pagpapalabas ng wage order kung saan nabigyan ng pagkakataon ang mga kinatawan ng labor sector, mga employer, at pamahalaan na ihayag ang kanilang mga posisyon bago ito aprubahan.
Iginiit niya na sinunod ng wage board ang lahat ng itinakdang alituntunin at due process sa pagtatakda ng minimum wage, kaya kumpiyansa silang maipagtatanggol ang legalidad ng naturang wage order sa hukuman.











