--Ads--

Patong-patong na paglabag ang natukoy ng Department of Labor and Employment o DOLE sa Atienza Interisland Ferries Inc., may-ari at operator ng MV June Aster na nasunog sa karagatang sakop ng Coron, Palawan.

Sa pagdinig sa DOLE, inilahad ng DOLE MIMAROPA ang mga paglabag ng kumpanya sa Occupational Safety and Health Standards o OSHS at General Labor Standards.

Kabilang dito ang kakulangan sa sahod, hindi pagbabayad ng overtime, night shift differential, holiday pay, premium pay sa special days at rest days, gayundin ang hindi pagbibigay ng service incentive leave.

Natukoy din ang kawalan ng fire prevention, firefighting at emergency response plan, hazard prevention program at occupational safety and health program.

--Ads--

Naniniwala naman si Labor Secretary Francis Tolentino na kailangan ng karagdagang tulong para sa mga crew na nakaligtas sa insidente.

Dalawa sa mga nakaligtas na crew na nakausap ni Tolentino ang nagsabing wala na silang planong bumalik sa pagsakay sa barko dahil sa trauma na kanilang naranasan.

Pinagmumulta naman ang kumpanya ng P1,000 hanggang P5,000 kada araw para sa ilang paglabag, bukod pa sa P100,000 na multa kaugnay ng pagkamatay at pagkasugat ng mga manggagawa sa insidente.