--Ads--

Arestado ng mga awtoridad ang isang 71-anyos na lalaki na kabilang sa National Most Wanted Persons sa kasong murder sa isinagawang joint law enforcement operation sa Barangay Nuro Poblacion, Upi, Maguindanao del Norte nitong Miyerkules ng gabi, Setyembre 2.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Norman,” 71-anyos, may asawa, tubong Sto. Tomas, Isabela at kasalukuyang residente ng Barangay Nuro Poblacion, Upi, Maguindanao del Norte.

Ayon sa Police Regional Office 2, nakalista ang suspek bilang National Most Wanted Person ng Department of the Interior and Local Government o DILG at may nakalaang P50,000 pabuya para sa ikadarakip nito.

Dakong alas-6:40 ng gabi nang ipatupad ng mga operatiba ang warrant of arrest na inisyu noong Agosto 28, 2026 ng Regional Trial Court Branch 18 ng City of Ilagan, Isabela, kaugnay ng kasong murder na walang inirekomendang piyansa.

--Ads--

Pinangunahan ang operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group Isabela Provincial Field Unit, katuwang ang iba pang police units mula sa Isabela at Mindanao.

Matapos ang pagkakaaresto, dinala ang suspek sa kustodiya ng CIDG Isabela PFU para sa kaukulang dokumentasyon at kalaunan ay turnover sa korte na nag-isyu ng warrant.

Pinuri naman ni PRO2 Regional Director PBGen Mariano C. Rodriguez ang mga operatiba dahil sa koordinasyon at pagtutulungan na nagresulta sa pagkakaaresto sa wanted person.

Hinimok din ng PRO2 ang publiko na patuloy na magbigay ng impormasyon na makatutulong sa pagtukoy at paghuli sa mga wanted person, na sasailalim naman sa beripikasyon at wastong proseso ng mga awtoridad.