--Ads--

Personal na nagtungo sa Department of Justice (DOJ) si National Security Adviser Eduardo Año kasama ang kanyang abogado upang magsampa ng complaint-affidavit laban sa 18 dating miyembro ng Marines at sa kanilang legal counsel na si Atty. Levi Baligod.

Inihain ni Año ang reklamo laban sa kanila para sa cyberlibel at perjury upang matukoy kung sino ang nagsasabi ng totoo, batay sa kanilang joint affidavit. Ayon sa kanya, wala siyang natanggap na malinaw na detalye ng mga akusasyon laban sa kanya at naniniwala siyang layunin lamang nitong sirain ang kanyang reputasyon.

Layunin din ng reklamo na malaman kung sino ang nagdagdag ng kanyang pangalan sa umano’y listahan ng mga nakatanggap ng pondo kaugnay sa kontrobersyal na flood control projects.

Nilinaw ni Año na may ideya siya kung sino ang nasa likod ng pagdawit sa kanya, ngunit hindi niya maaaring ibunyag ito. Binanggit din niya na sa kanyang 38 taong serbisyo sa Armed Forces at sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang DILG Secretary, wala siyang kinasangkutang kaso ng korapsyon o iba pang ilegal na aktibidad.

--Ads--

Noong nakaraang linggo, nagsampa na si Año ng reklamo ukol sa mga maling publikasyon o maling impormasyon na inilabas ng 18 na nagpakilalang sundalo.