Iginiit ng isang abogado na nararapat lamang na ituloy at mapabilis ang paglilitis sa impeachment case na isinampa laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Neri Colmenares ng Bayan Muna, sinabi niya na sa oras na ma-calendar na ng Senado ang kaso at makumpleto ang preparasyon ng prosecution panel, inaasahang ilalatag na ang mga ebidensya, testimonya, at iba pang argumento ng magkabilang panig, kabilang ang depensa ng nasasakdal.
Ayon sa kanya, mahalagang sundin ang itinakdang proseso ng impeachment trial nang hindi na ito pinatatagal, upang matiyak ang agarang pagresolba sa mga seryosong alegasyon laban sa bise presidente.
Binigyang-diin din niya na ang impeachment proceedings ay may sariling constitutional mandate at hindi dapat maantala o maapektuhan ng regular na legislative calendar ng Senado.
Giit pa ni Colmenares, kahit nasa recess ang Kongreso, dapat magpatuloy ang impeachment trial hanggang sa matapos, dahil ito ay isang hiwalay at mahalagang tungkulin ng Senado bilang impeachment court.
Para kay Colmenares, mahalaga ang mabilis ngunit makatarungang proseso upang mapanagot ang mga opisyal ng pamahalaan kung mapatutunayang may paglabag, at upang mapanatili ang tiwala ng publiko sa sistema ng pamahalaan at rule of law.











