CAUAYAN CITY– Sinalakay ng magkatuwang na puwersa ng National Bureau of Investigation (NBI) isabela at Bureau of Customs (BOC) ang dalawang closed van truck na nakaparada sa likod ng isang establisimiento sa Minante 2, Cauayan City.
Ang dalawang closed van truck ay hinihinalang naglalaman ng mga materyal sa paggawa ng mga pekeng sigarilyo.
Sa naging eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa isang kawani ng BOC nagpakilala sa pangalang Robert, sinabi niya na nakipag-ugnayan sa kanila ang NBI dahil sa mga natanggap na intelligence report kaugnay sa mga itinagong cigarette making machine at iba pang materyal sa Minante 2, Cauayan City.
Sinabi niya na kasalukuyan pa ang ginagawang beripikasyon kung sino ang may-ari ng dalawang closed van.
Malaki aniya ang posibilidad na may kinalaman ito sa mga nagdaang pagsalakay sa warehouse sa Naguilian at Alicia, Isabela.
Maaari umanong natigil ang operasyon ng ibang warehouse na gumagawa ng pekeng sigarilyo dahil sa mga nakalipas na operasyon kaya dinala ang ibang mga materyal sa barangay Minante 2.
Hinihinala na nasa tatlo hanggang apat na buwan nang nakaparada ang dalawang closed van truck sa naturang lugar.
Natukoy na ang may-ari ng lupa at establisimiento kung saan nakaparada ang dalawang sasakyan na naglalaman ng mga kontrabando.
Naging kapansin-pansin ang maraming sako ng ipa sa lugar na ayon sa mga otoridad ay ginagamit na pantakip sa mga kargamento sa loob ng sasakyan.
Patuloy ang imbestigasyon ng NBI Isabela at inihahanda ang pagsasampa ng mga kaukulang kaso laban sa mga taong nasa likod nito.












