
CAUAYAN CITY – Ibinunyag ng National Bureau of Investigation (NBI) Isabela na grupo ng mga Chinese national ang sindikato na nagmamay-ari ng mga makina at materyal sa paggawa ng mga pekeng sigarilyo na nasamsam sa likod ng isang establisimiento sa Minante dos, Cauayan City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, tinukoy ni Provincial Director Tim Rejano ng NBI Isabela na ang may-ari ng mga kagamitan ay ang Xinjiang group na kinabibilangan ng mga Chinese national na pinamumunuan nina Jack Soo at Steven Woo
Sinabi pa ni Rejano na modus ng mga Chinese national na kapag nabulilyaso ang kanilang operasyon sa Pilipinas ay agad silang bumabalik sa China o di kaya ay magpapalit ng pangalan at lugar na titirhan sa bansa.
Iimbestigahan nila ang negosyanteng si Bonifacio Yu dahil halos apat na buwan na nakaparada ang dalawang closed van truck malapit sa kanyang bodega ngunit hindi man lamang nag-ulat sa pamahalaang lunsod kaya posible siyang maharap sa kaso.
Ayon kay Rejano, agad nilang tinugunan ang natanggap nilang impormasyon mula sa isang concerned citizen hinggil sa abondonadong truck na nakaparada sa nabanggit na lugar na hinihinalang naglalaman ng mga makina sa paggawa ng mga pekeng sigarilyo na agad nilang tinugunan.
Sa isinagawa nilang raid ay natagpuan sa loob ng truck ang mga cigarette making machines kaya agad nakipag-ugnayan ang NBI Isabela sa Bureau of Customs (BOC) sa Port of Aparri sa Aparri, Cagayan.
Gamit ang customs visitorial power ay isinagawa ng BOC at NBI Isabela ang kanilang operasyon
Nakuha sa loob ng truck na may plakang 0301 ang apat na cigarettes making machines habang nakuha sa walang plakang truck ang dalawa pang cigaritte making machine, maraming plastic wrapper at tape na gamit sa pag-repack ng sigarilyo.
May hinala ang NBI Isabela at BOC na dahil sa nauna nilang sunud-sunod na pagsalakay sa pagawaan ng mga pekeng sigarilyo sa Isabela ay nabalam ang kanilang operasyon at itinago na lamang ang mga kagamitan sa paggawa ng pekeng sigarilyo.
Sinabi pa ni Provincial director Rejano na nagsasagawa pa rin sila ng mga imbestigasyon upang matukoy pa ang pinagtataguan ng natitira pang mga kagamitan sa paggawa ng mga pekeng sigarilyo.










