--Ads--

Itinanggi ng National Bureau of Investigation (NBI) na sila ang nasa likod ng umano’y operasyon sa Senado kaugnay ng sinasabing pagtatangkang arestuhin si Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa gitna ng tensyon at mga putok ng baril noong Miyerkules ng gabi.

Ayon kay NBI Director Melvin Matibag sa isang panayam, hindi siya nagtungo sa Senado matapos ipag-utos na itigil ang anumang operasyon.

Nilinaw din niya na walang sinumang ahente ng NBI ang nasa loob ng Senado nang mangyari ang insidente, at ang kanilang naging papel lamang ay ang pagresponde upang tumulong sa pag-assess ng seguridad sa paligid ng gusali.

Ibinahagi pa ni Matibag na nakatanggap siya ng tawag mula kay Senador Loren Legarda tungkol sa umano’y presensya ng mga armadong NBI agents sa lugar, ngunit mariin niya itong pinabulaanan.

--Ads--

Giit pa ng NBI chief, wala silang inilabas na anumang utos para arestuhin si dela Rosa at “100 percent” na walang operasyon ang ahensya sa Senado nang maganap ang insidente.