Hiniling ng kampo ni Davao City First District Representative Paolo Duterte sa National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na hindi na ito makibahagi sa imbestigasyon kaugnay ng mga alegasyon ni dismissed police officer Rodulfo Gracioso Jr. laban sa pamilya Duterte.
Sa pahayag ni Duterte sa kaniyang social media account, sinabi nitong naghain ng pormal na kahilingan ang kaniyang mga abogado upang matiyak na magiging patas, walang kinikilingan at kapani-paniwala ang imbestigasyon.
Tatlong dahilan ang inilatag ng kongresista, kabilang ang umano’y maagang paghusga ni Matibag, hindi pagbibigay ng patas na pagkakataong makasagot ang kaniyang kampo at posibilidad ng pagkiling ng NBI chief.
Tinukoy ni Duterte ang naging pahayag umano ni Matibag na 99 porsiyentong totoo ang mga alegasyon ni Gracioso kahit hindi pa tapos ang imbestigasyon.
Kinuwestiyon din niya ang pagpapakalat sa publiko ng affidavit ni Gracioso bago pa man makatanggap ng kopya ang kanilang kampo noong Oktubre 5, matapos itong pormal na hilingin ng kanilang mga abogado.
Ipinunto rin ng kongresista ang mga naunang pahayag at aktibidad ni Matibag laban kay Vice President Sara Duterte, kabilang ang pag-amin nitong sumulat siya ng tatlong kolum tungkol sa Bise Presidente noong 2024.
Giit ni Paolo Duterte, dapat nakabatay sa ebidensya ang imbestigasyon ng NBI at hindi sa mga akusasyong paulit-ulit na inilalabas sa publiko.
Bilang paghahambing, binanggit din niya na dati nang hiniling ni Matibag ang pag-atras ng prosecutor na humahawak sa mga kasong libel at cyberlibel na isinampa laban sa NBI chief at iba pa, pati ang paglilipat ng mga reklamo sa ibang tanggapan upang matiyak ang pagiging patas ng proseso.
Ayon kay Duterte, dapat pairalin ni Matibag ang parehong pamantayan ng pagiging patas at kawalan ng kinikilingan na dati rin nitong iginiit.











