Nakatakdang magsampa ang National Bureau of Investigation o NBI ng mga kaso sa mga susunod na araw kaugnay ng umano’y iregularidad sa P55-milyong “golden cauldron” na itinayo para sa 2019 Southeast Asian Games.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, nakakalap na ang ahensya ng mga dokumento at testimonya na maaaring maging batayan ng pagsasampa ng mga kasong kriminal.
Sinabi ni Matibag na posibleng sa loob ng isang linggo ay maisampa na ang unang kaso, habang patuloy ang mas malawak na imbestigasyon sa Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee o PHISGOC.
Ayon sa NBI, tinatayang P55 milyon ang ginastos para sa cauldron, bagama’t sinasabing nasa P5 milyon lamang ang aktuwal na halaga nito.
Sinisiyasat din ng NBI ang ilang opisyal ng sports associations at mga indibidwal na konektado sa PHISGOC, kabilang ang mga naging kasamahan o associate ni Senator Alan Peter Cayetano, na namuno sa organizing committee noong 2019.
Patuloy rin umanong inaalam ng NBI kung bakit nagpatuloy ang PHISGOC sa pag-sponsor ng mga international event kahit dapat ay natapos na ang operasyon nito matapos ang SEA Games.
Binigyang-diin ni Matibag na nagpapatuloy ang imbestigasyon at magkakahiwalay na kaso ang maaaring ihain batay sa mga ebidensiyang nakalap.











