
CAUAYAN CITY – Natagpuang patay sa maisan ang isang babaeng negosyante sa Fugu, City of Ilagan.
Ang biktima ay si Josephine Villamar, 53 anyos, hiwalay sa asawa, negosyante at residente ng Purok 3, Aggassian, City of Ilagan.
Lumalabas sa imbestigasyon ng City of Ilagan Police Station na umalis sa kanilang bahay ang biktima noong umaga ng ika-23 ng Agosto 2020 lulan ng kanyang motorsiklo para bumili ng gamot at ulam sa bayan ngunit hindi na siya nakabalik sa kanilang bahay.
Dakong alas dos ng hapon noong ika-24 ang Agosto ay natagpuan ang motorsiklo ng biktima sa Purok 6 ng barangay Fugu malapit sa maisan.
Agad na nakipag-ugnayan ang pamilya ni Villamar sa mga opisyal ng barangay para hanapin ang ginang na natagpuan ng isang barangay tanod na wala nang buhay.
Nagtungo ang mga miyembro ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) Team sa lugar para magsagawa ng crime scene processing.
Ayon sa imbestigasyon ng SOCO, walang nakitang anumang physical injury at senyales ng panlalaban sa biktima.
Isasailalim sa autopsy ang bangkay ni Villamar para malaman ang sanhi ng kanyang kamatayan.










