--Ads--

Nakapagtala ang Government Service Insurance System o GSIS ng malaking pagtaas sa kanilang net income sa unang quarter ng 2026 matapos itong umabot sa P43.6 bilyon.

Mas mataas ito ng 170 porsyento kumpara sa P16.1 bilyong net income na naitala ng ahensya sa kaparehong panahon noong 2025.

Ayon sa GSIS, tumaas ng 9.16 porsyento ang kinita nila mula sa insurance na umabot sa P56.6 bilyon bunsod ng mas mataas na koleksyon mula sa nadagdag na mga miyembro.

Samantala, lumobo rin ang investment income ng ahensya mula P1.2 bilyon noong nakaraang taon hanggang P27.6 bilyon ngayong taon dahil sa pagtaas ng equity valuations at paborableng foreign exchange movements.

--Ads--

Naglabas naman ang GSIS ng P49.5 bilyon para sa claims at benefits sa unang quarter ng taon, mas mataas ng 4.73 porsyento kumpara noong 2025.

Tumaas din ang average monthly old-age pension mula P17,809 noong 2025 hanggang P18,874 ngayong 2026, katumbas ng halos dagdag na P1,000 kada buwan para sa mga retiradong miyembro.

Umabot naman sa P2 trilyon ang kabuuang assets ng GSIS hanggang katapusan ng Marso, habang sinabi ng ahensya na nananatiling matatag ang kanilang pondo na inaasahang tatagal hanggang taong 2058.