
CAUAYAN CITY – Inalis ng National Food Authority (NFA) region 2 ang ilang requirements sa pagbili ng aning palay ng mga magsasaka sa ikalawang rehiyon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Assistant Regional Director Elimar Regindin ng NFA Region 2, sinabi niya na kahit sa unang delivery ay maaari nang magbenta ang mga magsasaka ng aabot sa 200 na sako ng palay.
Dati ay kailangan ang passbook upang makapagbenta ng palay ang mga magsasaka ngunit tinanggal na ito at ipinalit ang Farmers Information Sheet na kailangan lamang pirmahan ng mga magsasaka habang pinoproseso ang bayad ng kanilang unang delivery.
Ang kailangan na lamang ngayon ay ang katibayan na sila ay may sinasakang lupa.
Dagdag pa ni Ginoong Regindin na umaabot na sa 101, 000 bag ng palay at 100,000 na bigas ang naiipon ng ahensiya at kung magiging bigas ang lahat ng mga nakaimbak ay magiging 164, 000 bags.
Ayon kay Ginoong Regindin, bumibili na ng palay ang lahat ng mga NFA buying stations sa region 2 kasama na ang lalawigan ng Apayao, Kalinga, Ifugao at Mountain Province.
Nasabihan na nila ang lahat ng mga kawani ng mga NFA buying stations na magbukas at bilhin ang mga aning palay na dinadala sa kanila ng mga magsasaka.
Nasa 1.3 million na sako ng palay ang target ng NFA Region 2 na mabili ngayong taon.
Kakayanin itong maabot ng ahensiya dahil handa ang kanilang punong tanggapan na magpalabas ng pondo para sa pagbili ng mga palay.
Sa lalawigan lamang ng Isabela ay nasa 200,000 na sako ng bigas ang puntirya ng NFA Region 2 ngayong buwan ng Setyembre.
Sa loob ng tatlong araw ay nasa 25,000 na sako na ang kanilang nabili.
Dahil sa mababang presyo ng pagbili ng mga traders ay umaasa ang NFA Region 2 na maabot ang target na bilhin.
Nasa 19 pesos bawat kilo ang pagbili ng NFA kung tuyo at malinis at mas mababa ang presyo kung sariwa ang palay na ibebenta ng mga magsasaka.










