--Ads--

Tiniyak ng pamunuan ng National Irrigation Administration-Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) na mapatutubigan ang lahat ng nakaprogramang sakahan para sa wet cropping season, sa kabila ng ilang lugar na inaasahang maaantala ang pagdating ng patubig.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Marianne Antonio, Operation Section Chief ng NIA-MARIIS, sinabi nito na posibleng maantala ang water delivery sa Baligatan Diversion Dam, partikular sa ilang irrigated areas sa mga bayan ng Ramon, Cordon, Santiago City, Saguday, Diffun, at Cabarroguis sa lalawigan ng Quirino.

Ayon kay Engr. Antonio, kasalukuyan nang isinasagawa ang unti-unting distribusyon ng tubig sa mga pangunahing canal systems, ngunit may ilang bahagi pa ring sumasailalim sa land soaking dahil karamihan sa mga sakahan ay tuyo matapos ang nakaraang cropping season.

Tiniyak naman ng opisyal na sa unang linggo ng Hunyo ay maaabot na rin ng patubig ang mga naturang lugar, kasabay ng inaasahang pag-normalize ng suplay ng tubig sa irrigation system. Sa kasalukuyan, nasa humigit-kumulang 15,000 ektarya pa lamang ang naabot ng patubig sa ilalim ng kanilang operasyon.

--Ads--

Patuloy din ang monitoring at koordinasyon ng NIA-MARIIS sa mga irrigators associations upang matiyak ang maayos na daloy ng tubig at maiwasan ang pagkaantala sa pagtatanim sa mga susunod na linggo.

Aniya, higit sa rule curve ang kasalukuyang water elevation ng Magat Dam na nasa 175.11 meters above sea level (masl), kaya’t kakayanin pa ring mapatubigan ang mga nakaprogramang areas ngayong wet cropping season sa kabila ng babala ng PAGASA hinggil sa posibleng epekto ng El Niño.

Bilang paghahanda, ipatutupad ang rotation scheme sa patubig at magkakaroon din ng 10% na pagbabawas sa water allocation upang maiwasan ang kakulangan ng suplay.

Pinayuhan naman ng NIA-MARIIS ang mga magsasaka na samantalahin ang maagang pagtatanim upang hindi maapektuhan sakaling maranasan ang kakulangan ng suplay ng tubig sa mga susunod na buwan.