Bigo ang Pilipinas na makuha ang isang upuan bilang non-permanent member sa United Nations Security Council (UNSC) matapos itong matalo sa Kyrgyzstan. Umabot sa apat na ulit ang botohan sa pagitan ng dalawang bansa dahil pareho silang nabigong makuha ang kinakailangang two-thirds majority sa mga naunang round.
Sa huli, matagumpay na nasungkit ng Kyrgyzstan ang kauna-unahan nitong upuan sa konseho sa pamamagitan ng botong 142 laban sa 49 ng Pilipinas.
Bukod sa Kyrgyzstan, nahalal din bilang mga bagong non-permanent miyembro ang Zimbabwe, Austria, Portugal, at Trinidad and Tobago. Ang UNSC ay may kapangyarihang magpatupad ng mga legal na resolusyon na kinabibilangan ng mga operasyong militar, economic sanctions, at pagpapadala ng peacekeeping forces.
Sa darating na termino, papalitan ng Zimbabwe ang Somalia, hahalili ang Trinidad and Tobago sa Panama, papalit ang Portugal at Austria sa Denmark at Greece, habang ang Kyrgyzstan naman ang papalit sa Pakistan.
Kalahati sa kabuuang sampung non-permanent seats ang hinahalal taon-taon upang kumatawan sa iba’t ibang rehiyon sa mundo. Samantala, ang mga bansang Bahrain, Colombia, Democratic Republic of Congo, Latvia, at Liberia ay mananatili sa kanilang mga pwesto hanggang sa katapusan ng taong 2027.
Ang limang permanenteng miyembro na may hawak ng veto power ay ang China, France, Russia, United Kingdom, at United States.
Noong nakaraang Marso, personal na itinaguyod ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kandidatura ng Pilipinas sa paniniwalang ang bansa ay magsisisilbing boses ng kapayapaan at balanse sa buong mundo. Ipinahayag din niya ang buong tiwala na may malaking pakinabang ang bansa dahil sa matatag nitong kasaysayan ng pakikipagtulungan sa United Nations.
Binigyang-diin pa ng Pangulo na ang mga naging kontribusyon ng Pilipinas, partikular na sa mga peacekeeping mission, ay patunay na ang bansa ay kumikilos nang higit pa sa sarili nitong pambansang interes.











